Sa pag pili ng tema na ito ay alam ko na maraming magagalit sa akin o di kaya'y mag m'mukha akong heretiko na walang pagmamahal sa ating bansa at sa ating kultura. Pero eto lang ang masasabi ko, kung ano man ang masulat ko ay sana naman ay i'respeto niyo ang aking opinyon dahil lahat tayo ay may karapatang ipahayag ang kanyang iniisip. Kaya pag-pasensyahan niyo nalang kung ano man ang aking masabi at humihingi na ako ng patawad sa mga taong masasaktan ko (*kung meron man*).
Bakit nga ba hindi na kailangan iintelektwalisa ang Filipino sa ating bansa?
Para sa akin ay ayos lang na pagtuunan ng pansin ang pag i'intelektwalisa ng ating lengwahe KUNG tayo ay wala ng pino problema sa ating ekonomiya at politika na nagpapahirap sa ating mga kababayan. Alam nating lahat na mayroon tayong malaking problema pagdating sa sarili nating lengwahe ngunit mas malaki at mas marami ang problema natin pag dating sa ating kahirapan. Ngayon, kung hindi natin agad ma s'solusyunan ang ating kahirapan ay lalo lang itong lalala pag dating ng panahon.
Ang sa akin lang ay bago natin pag tuunan ng pansin ang pag i'intelektwalisa ng ating lengwahe ay gamutin muna sana natin ang kahirapan ng ating bayan. Oo sige, alam ko na makakatulong makagamot ang pag i'intelektwalisa ng sarili nating lengwahe ngunit hindi ito praktikal gawin lalong lalo na sa panahon ngayon na sadsad tayo sa kahirapan. Maari nating sabihin na "ideal" ang pag intelektwalisa ng ating sariling lengwahe pero aanuhin mo ba ang pagiging "ideal" kung ang mga tao sa paligid mo ay unti unting namamatay sa gutom? Sa ganitong sitwasyon, ano bang mas pipiliin mo? Ang pagiging "ideal" o ang pagiging "praktikal"?
Suriin natin ang mga komplikasyon na maari nating makuha kung uunahin natin ang pag intelektwalisa ng salitang Filipino:
Una, kakailanganin nating maglaan ng malaking badyet para sa pagturo o pag palit ng kurikulum ng ating pam publikong eskwelahan. (malamang may korupsyon nanaman yan!)
Pangalawa, mahahati ang oras ng mga estudyante sa pag aaral ng Filipino at Ingles. Hindi sa minamaliit ko ang sarili nating lengwahe ngunit mas maigi ng mas may alam ka sa Ingles dahil mas magagamit mo ito sa paghanap ng trabaho hindi lang sa loob ng ating bansa, pati na rin sa labas nito. Alam ko na kailangan mo din ang abilidad at talento sa iyong propesyon para maging matagumpay ka sa iyong karera ngunit alam ko din na malaki rin ang maitutulong ng iyong kakahayang mag salita ng Ingles sa pag angat ng iyong karera. Kung mas pagtutuunan natin ang salitang Ingles ay mas magiging kompetitibo tayo sa larangan ng globalisasyon. Mas magiging malinaw ang kakahayang makipag talastasan ng mga Pilipinong may balak na mag trabaho sa ibang bansa o kaya'y mag trabaho sa mga dayuhang negosyante.
Ngayon, papairalin ko nanaman ang pagiging praktikal ko sa bagay na ito... MAS MALAKI ANG PERANG MAKUKUHA MO PAG NAG TRABAHO KA SA IBANG BANSA! Oo, sabihin muna ang gusto mong sabihin pero ang akin lang ay kailangan mong unahin ang kapakanan ng iyong pamilya/mahal sa buhay bago ka mag isip para sa kapakanan ng sarili mong bayan, kultura o lengwahe. Oo sige, bulok na kung bulok ako bilang isang Pilipino ngunit mas pipiliin ko namang maging bulok na Pilipino kesa hayaan kung mamatay sa gutom o di kaya'y maghirap ang aking mga mahal sa buhay!
Sa mga sinasabi ko ay tila wala ka ng pag pipiliian.
Oo, pwede mo nga ipagsabay ang pag aaral mo ng Ingles at ng Pilipino.. pero karamihan lang ng mga makakagawa niyan ay ang mga mag aaral lang ng mga pribadong paaralan dahil nasa kanila ang karamihan ng mga mahuhusay na guro. Ngayon, kung puro mga nakakataas na mamayan lang ang magkakaroon ng kakahayan na makapag salita ng magaling na Ingles at Pilipino, ay paano naman ang mga nakakababa na mamayan? Maghihirap na lang ba sila pang habang buhay dahil hindi sila marunong mag Ingles at limitado lang ang mga trabahong kaya nilang pasukan? Ma b'biktima nanaman ba sila ng tinatawag nating "social stratification"?
Aba! Kung ganun lang din ang magiging sitwasyon ay mas maigi ng pagtuunan na lang muna natin ng pansin ang salitang Ingles habang hindi pa tayo nakaka ahon sa hirap. Tiyaka na siguro natin balikan ang pag i'intelektwalisa ng salitang Filipino pag naka-ahon na tayo sa hirap at pag may kakahayan na tayong mabuhay ng maigi. Solusyunan muna natin ang mga mas importanteng problema (makakain ang lahat ng Pilipino, magkaroon ng tinatawag na welfare, umangat ang eknomiya, makapag bigay ng wastong trabaho para sa lahat, at maayos na ang problemang pang poltika) bago natin gamutin ang problema natin sa pag i'intelektwalisa ng salitang Filipino.
Pwede mong kontrahin ang aking mga argumento sa pagsasaad ng halimbawang bansa na mayayaman sa ekonomiya at lengwahe tulad ng Japan. Ngunit, iba ang pinagdaanan ng Japan kumpara sa atin. Tayo ay naging biktima ng kolonyalismo at naghirap ng matagal na panahon bago natin makamtan ang sarili nating kalayaan. Kaya kung mayaman man ang Japan ngayon sa ekonomiya at kultura, ay iba naman kasi ang sitwasyon nila kumpara sa atin.
Kaya ang sa akin lang ay para makawala tayo sa bangungot ng kahirapan ay kailangan nating maging "globally competetive" at isa sa mga paraan para maging kompetetibo nga tayo ay ang pagsasanay natin sa ating mga mag aaral na makapag salita ng wikang Ingles para naman magkaroon sila ng tiyansa na maka trabaho sa ibang bansa at sa gayun ay gumanda ganda naman ang buhay nila pag tapos nila mag aral (yung hindi lang sila umaasa na makakapag asawa sila ng Kano o ng mayaman!). Ngayon, kung magagawa din nating iangat ang antas ng kaalaman natin sa wikang Filipino ay magiging maganda rin ito ngunit masakit man sabihin ay kailangan talaga nating pagtuunan muna ng pansin ang wikang Ingles. (Oo, sekondarya na muna ang wikang Pinoy..).
Kung hindi lang kasi korupt ang ating mga opisyal ay hindi natin sana kailangang mag ibang bansa para lang maging ginhawa ang buhay natin.. at hindi na sana kailangang mag dusa ang lengwahe natin. Kaya kung meron man tayong sisihin sa mga nangyayari sa atin ngayon.. ay wala ding iba kundi ang mga sarili natin na bumoto sa mga opisyal na nagpapalakad sa ating gobyerno mula pa noong kapanahunan ni ERAP. Kaya sa susunod ay bumoto na tayo ng wasto para hindi tayo naghihirap!
P.S. Kung mayroon kayong hinaing, opinyon, o di kaya'y pangontra ay mas maganda sana kung ilalagay niyo nalang ito sa komento para hindi mapuno ang aking tagboard. Salamat, at sana ay wala akong maging kaaway. =)